Pabrika ng armas ng BIFF, nakubkob ng militar at PNP

Nakubkob ng pinagsanib na pwersa ng militar at pulis ang pabrika ng armas ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa bayan ng General Salipada K. Pendatun, Maguindanao kahapon ng alas-5 ng madaling araw.

Iniulat ni 33rd Infantry Battalion Commanding Officer, Lt/Colonel Harold Cabunoc na ispisipikong tinarget nila ang pabrika ng armas ng BIFF katuwang ang 1st Mechanized Infantry Battalion at 7th Field Artillery Battalion ng Philippine Army at PNP 4th Special Action Battalion.

Aniya, ito ay bahagi ng kampanya para ma-degrade ang kapabilidad ng BIFF at mapasuko ang mga ito.

Ang pabrika ng mga armas ay nasa kuta ng mga terorista na pinamunuan ni Sukarno Buka alias Buka at Parido Balabagan alyas Banog.

Nasamsam ng mga sundalo at pulis ang mga matataas na uri ng armas kagaya ng Rocket Propelled Grenade launchers, home-made rifles, handguns at mga bala. Hinuli rin ng mga otoridad ang 15 katao at pinainiimbestigahan ang posibling kasangkutan sa paggawa ng armas, bala at bomba ng BIFF.

Pinuri naman ni 6th Infantry Division Chief Brigadier General Cirilito Sobejana, ang mga sundalo at pulis sa matagumpay nilang operasyon lalo na sa mga sibilyan na nagbibigay sa kanila ng impormasyon. | Ulat ni Leo Sarne