Pabahay at edukasyon para sa pamilya ng police escort ni AKO Bicol Rep. Batocabe, ginarantiya ng Pangulo

Ginarantiya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa naiwang mga mahal sa buhay ni SPO1 Orlando Diaz, na hindi nito pababayaan ang pag-aaral at sasagutin ang edukasyon ng naiwang mga anak nito.

Si Diaz ang police escort ni AKO Bicol Representative Rodel Batocabe, na kasamang pinaslang ng Kongresista nitong nakaraang Sabado sa Daraga Albay.

Pagtiyak ng Pangulo, gobyerno ang babalikat sa pagpapaaral sa mga anak ng napatay na police escort ni Batocabe sakali mang may naiwan itong anak, habang tiniyak din ng Presidente na pagkakalooban ng pabahay ng pamahalaan ang naiwang kabiyak ni SPO1 Diaz.

Kung wala aniyang trabaho ang asawa ni SPO1 Diaz, sinabi ng Pangulo na makipag-ugnayan lang ito sa Department of Interior and Local Government (DILG), upang mabigyan ng trabaho kasunod ng pagkakapaslang sa Philippine National Police (PNP) personnel.

Kahapon ay personal na iginawad ni PNP Chief General Oscar Albayalde sa asawa ni Diaz na si Judy, ang Medalya ng Kadakilaan at tulong pinansiyal dito. | ulat niĀ  Alvin Baltazar