P90.7-B misused funds noong 2004, isang rason kung bakit kailangang buwagin ang Road Board

Ibinunyag ngayon ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno, na pumalo sa P90.7 billion pesos ang naitalang “misappropriated funds” noong 2004.

Ginawa ni Diokno ang rebelasyon sa harap ng kontrobersiya tungkol sa Road Board na ipinabubuwag na at handa nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kautusan tungkol dito.

Sa press briefing sa Malacañang, inihayag ni Diokno na ang multi-billion misappropriation ay nangyari sa kasagsagan ng eleksiyon noong 2004.

Batay aniya mismo sa records ng Commission on Audit (COA), idineklarang misappropriated at misused ang nasabing halaga na hindi naman aniya nagamit sa road maintenance.

Sa halip, nagamit umano sa ibang kaukulan ang nasabing halaga gaya ng pagbili ng walis at uniporme na isinawalat na din noon ni dating Senadora Miriam Defensor-Santiago.

Kaya ang posisyon ni Diokno, hindi talaga dapat mai-release ang Road Board fund at sa halip, ay  buwagin na lamang gaya ng nais mangyari ng Pangulong Duterte sa gitna ng pangambang baka magamit ito sa panahon ng eleksiyon.  | ulat ni Alvin Baltazar