P63M halaga ng pirated DVDs, sinira sa Davao City

Sinira ng Armored Personnel Carrier tank ng Task Force Davao ang saku-sakong pirated DVDs at paraphernalia sa labas ng Davao City Police Office (DCPO) Huwebes ng hapon.

Pinangunahan ito ni Optical Media Board (OMB) chairman Anselmo Adriano, kasama sina DCPO Director Sr. Supt. Alexander Tagum at Public Safety and Security Command Center Deputy Chief Angel Sumagaysay.

Ayon kay Adriano, nagkakahalaga ng P63 million ang 440 na mga sako na kanilang kinumpiska sa 20 stalls, na kanilang ni-ronda ng Setyembre ng nakaraang taon.

Aniya, natagalan ang pagwasak dito dahil may mga proseso pa silang ginawa tulad ng pag-subpoena sa mga may-ari nito.

Dagdag ni Adriano, na walang sumipot na mga may-ari ng naturang kontrabando.

Tiniyak naman nito na magpapatuloy ang ganitong operasyon sa lungsod para masawata ang ilegal na gawain na siyang pumapatay sa industriya ng pelikula at musika.

Nangako naman si DCPO Director Tagum na patuloy nilang tutulungan ang OMB sa kanilang mga operasyon kontra pirated DVDs. | ulat ni Armando B. Fenequito Jr. – Radyo Pilipinas Davao