P500-M halaga ng shabu, nakumpiska ng PNP sa checkpoint sa Gandara, Samar  

Nasa P500-milyong pisong halaga ng shabu ang nakumpiska ng Philippine National Police (PNP) sa isang checkpoint sa national highway sa Brgy. Buñagan, Gandara, Samar kahapon ng hapon.

Sa ulat ni Samar Provincial Director PCol. Andre Dizon na nakarating sa Camp Crame, ang shabu ay narekober ng mga operatiba ng Regional Drug Enforcement Unit (DEU) 8 na pinamumunuan ni PLt. Col. Harry Sucayre, kasama ang mga pulis ng Samar Provincial Police Office DEU, Regional Mobile Force Battalion 8, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 8 at Gandara Municipal Police Station sa pamumuno ni PCpt. Joselito Tabada.

Nasa 44 pakete ng shabu na may kabuuang timbang na 88-kilo ang narekober ng mga operating unit mula sa isang silver grey na Mitsubishi Lancer na may plakang XTE 453 at itim na Nissan Sentra na may plakang ZLV 463, na na-intercept sa checkpoint.

Ayon kay Col. Dizon, ang dalawang sasakyan ay nanggaling sa Calbayog City.

Nasa kustodiya ng PNP ang anim na pasahero ng dalawang sasakyan na kinilalang sina: Cesar Uy, Jarred Axcel Elaran, Steven Perez Abella, Leonard De los Reyes, ELbert Abella, at Jeralou Rapuela, na kasalukuyang sumasailalim sa imbestigasyon.

Photo courtesy: SPPO