P50-M reward sa Batocabe case, irerekomenda ni PNP Chief na ibigay sa testigo

Irerekomenda ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na ibigay sa testigo ang P50-milyong pabuya sa ikalulutas ng kaso ng pagpatay kay Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe.

Ito ang inihayag ni Albayalde, kasabay ng paglilinaw na wala pang guidance na ibinigay si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año patungkol sa naturang pabuya.

Pero kung siya aniya ang tatanungin, ang testigo ang dapat na makatanggap nito dahil sa testigo nagsimula ang imbestigasyon ng PNP.

Magugunitang unang sumuko sa PNP ang testigong si Emmanuel Jaduvar, na umano’y kasama sa pagplano sa pagpatay kay Representative Batocabe pero hindi na kasama sa aktuwal na pagpatay.

Si Jaduvar ang nagturo sa pitong prime suspects sa krimen, kabilang ang umano’y mastermind na si Daraga Mayor Carlwyn Baldo.

Kinumpirma din ng lahat ng ibang suspek, na si Mayor Baldo ang umano’y nag-alok ng P5- milyong para ipapatay si Rep. Batocabe. | ulat ni Leo Sarne