P40-B suhol umano sa mga kongresista kaugnay sa budget insertion, kasinungalingan – DBM Chief

Mariing pinabulaanan ni Department of Budget and Management (DBM)  Secretary Benjamin Diokno ang isiniwalat ngayon ni Congressman Rolando Andaya Jr.

Ito ay ang umano’y inialok ng DBM chief na P40 bilyong piso kapalit ng pananahimik ng mga kongresista tungkol sa isyu ng P75 bilyong pisong budget insertion.

Ayon kay Diokno, isa na namang kasinungalingan ang pinakawalang pahayag ni Andaya na pawang walang basehan.

Sa kabilang dako’y wala pa namang iniisyung pahayag ang Malacañang tungkol sa naging pagsisiwalat ng House Appropriations Committee chairperson.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, mas makabubuting direktang si Diokno ang tumugon sa nabanggit na alegasyon.

Muli ay hindi nagpakita ang DBM chief sa pagdinig ng Kamara, at sa halip ay nagpadala na lamang ito ng sulat kay House Speaker Gloria Macapagal Arroyo, para hilingin na ire-schedule ang hearing bilang pagtalima sa 3-day notice house rules para sa pagsipot sa pagdinig.

Naging dahilan naman ito para magalit si Andaya na nagpasyang ipa-contempt si Diokno.  | ulat ni Alvin Baltazar