P4.1-T 2020 proposed National Budget, isasalang na sa plenaryo ngayong linggo

Itinuturing ng liderato ng Kamara na ‘record time’ ang pagtatapos ng mga budget hearing ng mga ahensiya ng gobyerno sa panukalang 2020 National Budget.

Ayon kay House Committee on Appropriations Chairman Isidro Ungab, naging posible ito dahil sa sistemang ipinatupad ni House Speaker Alan Peter Cayetano kung saan apat na budget hearings kada araw.

Sa mga nagdaang budget deliberations, natatapos ito ng huling linggo ng Setyembre.

Pagtitiyak naman ni Ungab na alinsunod sa utos ni Cayetano, walang pork at ‘insertions’ ang pambansang pondo sa susunod na taon.

Ngayong araw inaasahang aaprubahan na ang Committee Report sa House Bill 4228 habang bukas September 10 ito isasalang sa plenaryo.

Target naman ng Mababang Kapulungan na matapos ang plenary debates hinggil sa budget sa September 20.