P2B, inilaang pondo ng gobyerno para sa mga empleyado ng Boracay na pansamantalang mawawalan ng trabaho

P2 bilyong piso ang naghihintay na ayuda para sa mga mawawalan ng trabaho sa Boracay. Ito ang tiniyak ng Palasyo sa gitna ng nagsisimula nang rehabilitasyon sa isla na kung saan, sinasabing nasa mahigit 30,000 mga manggagawa ang maaapektuhan.
 
Pero sabi ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, pinatitiyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na mapupunta sa mga tunay na nangangailangan ang budget na inilaan ng pamahalaan para sa mga mawawalan ng trabaho pansamantala.
 
Direktiba ng Pangulo, prayoridad na makabenepisyo sa pondo ang mga ordinaryong manggagawa na sadyang nangangailangan ng ayuda at hindi sa mga nakaka-angat o may kaya.
 
In effect na kaninang alas-12:00 ng umaga ang total closure na tatagal ng anim na buwan. | via Alvin Baltazar