P170-M halaga ng shabu, narekober ng PDEA, QCPD sa magkahiwalay na operasyon sa QC

Pinaniniwalaang miyembro ng Chinese international drug syndicate ang Chinese national na nahuli sa isang anti-illegal drug operations sa Quezon City Memorial Circle sa Quezon City.

Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) RO-NCR Director Joel Plaza, kinilala ang drug personality na si Hongbo He, 45 taong gulang, isang negosyante at residente ng Mariveles, Bataan.

Nabawi sa kanya ang 15 piraso ng transparent plastic packs na abot sa humigit kumulang na 15 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P102-million at isang unit cargo van vehicle at buy-bust money.

May tatlong linggo ding isinailalim sa surviellance si He matapos matanggap ang impormasyon na nag-ooperate ang kinaaanibang sindikato sa Metro Manila.

Agad na ikinasa ang buy bust operation ng PDEA -NCR sa tulong ng QCPD Station 10.

Bago ito, nahuli din sa buy bust operations ng PDEA at QCPD Station 2 ang isang Chinese national kasama ang Pinoy na kasabwat sa Sta. Catalina Street barangay Sienna ng nasabi ding lungsod.

Abot sa mahigit P68-million ng illegal drugs ang nakuha kina Liu Fu Gui, at mga kasamahang sina Keith Anthony Romo, isang Pinoy call center programmer at Nonito Garlindo, isang gasoline boy.

Abot sa 10-kilo ng shabu ang nabawi sa kanila, kabilang ang dalawang units ng 4-wheeled drive vehicles at buy-bust money.