P17.5 milyon halaga ng shabu, nasabat sa buy-bust sa Caloocan

Timbog ang tatlong tulak ng iligal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Caloocan City Police sa B53 L3 Phase 12, Brgy. 188, Tala, Caloocan City.

Nakilala ang mga suspek na sina Josephine Rada, 59 anyos
Mae Jane Rada, 23 anyos
Bon Joni Visda, 25 anyos.

Pawang mga residente ng nasabing lugar ang mga nahuli.

Ayon sa kapulisan, nag-ugat ang operasyon mula sa isang informant at matapos ang isang linggong validation ay agad na ikinasa ang operasyon laban sa mga suspek.

Agad na inaresto ang mga suspek matapos tumimbre ang isang pulis na nagpanggap na buyer na positibo ang naging palitan ng pera at iligal na droga.

Nasabat mula sa mga suspek ang ginamit na buy-bust money, at dalawang bloke ng hinihinalang shabu na nakapaloob sa supot ng tsaa at siyam na supot pa ng hinihinala rin na shabu.

Ayon sa mga pulis, may bigat na 2.575 kilo ang nakumpiskang droga at nagkakahalaga ng Php. 17,510,000.00.

Pinuri naman ni Northen Police District Director PBGen. Nelson B. Bondoc ang Caloocan PNP sa matagumpay na operasyon kontra iligal na droga.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Photo by National Police District