P163-M halaga ng smuggled shabu na na-recover ng NPD, inaalam kung paano nakapasok sa bansa

Inaalam ngayon ng Philippine National Police (PNP) kung paano nakapasok sa bansa ang 24 na kilo ng smuggled shabu na nagkakahalaga ng 163 milyong piso.

Ang kontrabando ay nakumpiska ng mga operatiba ng Northern Police District sa dalawang drug suspek sa 2641 Interior 21, Pasig Line, Brgy. 778 Zone 85, Sta. Ana, Manila kagabi.

Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, malinaw na smuggled ang mga nakuha na shabu na nakasilid sa mga pakete ng isang luggage.

Hindi naman matukoy ni Albayalde kung saan ito galing pero posible umano itong galing China dahil sa ‘Chinese marking’ na nakalagay dito.

Kinilala naman ni NPD Director Chief Supt. Clifton Empiso ang dalawang naarestong suspek na mag-ina at kinilalang sina Ian Akira Calibio, 26 anyos at Ruby Calabio, 61 anyos.

Kasong paglabag sa Republic Act 9165 ang kakaharapin ng mga suspek.

Iprinisinta ni Albayalde sa Camp Crame ang nakumpiskang shabu bago i-turn over sa Crime Lab para isasailalim sa pagsusuri. | ulat ni Leo Sarne