P15K loan assistance ng DA sa mga magsasakang apektado ng mababang bilihan ng palay, dapat ibigay na lamang — isang mambabatas

Inirekomenda ni House Ways and Means Committee Chairman Representative Joey Salceda na palakasin ang loss-recovery mechanism ng pamahalaan para matulungan ang mga naluluging magsasaka dahil sa mababang farmgate price ng palay.

Sa isang pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni Salceda na mas makakabuti kung ibigay na lamang sa mga magsasaka ang P15,000 loan assistance ng Department of Agriculture.

Aniya, imbis na makatulong ay dagdag alalahanin pa para sa mga magsasaka kung paano mababayaran ang naturang pautang.

Bukod dito, sinabi din ng mambabatas na dapat maaaring igiit ang Republic Act 8800 o ang Safeguards Law para patawan ng 30 hanggang 80 percent na taripa ang mga imported na bigas na lagpas sa Minimum Access Volume na 350,000 metric tons.

Inirekomenda rin nito ang paghingi ng Pangulong Duterte ng special power sa Kongreso para maipatupad ang Quantitive Restrictions sa pag-aangkat ng bigas.