P13.8 milyong halaga ng shabu, nakumpiska sa arestadong suspek sa Cebu

Nakumpiska ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P13.8 milyon mula sa isang high value drug target na naaresto sa Cebu.

Kinilala ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar ang suspek na si Mark Gil James Dangarang alias “James”, 22 taong gulang na residente ng Barangay Duljo Fatima, Cebu City.

Naaresto ang suspek sa isang buy bust operation kahapon ng umaga sa Lapu-Lapu City, Cebu ng pinagsanib na pwersa ng PNP at Philippine Drug Emforcement Agency (PDEA).

Ang suspek ay kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sinabi ni Eleazar na puspusang isinusulong ng PNP ang kampanya kontra droga, kung saan kanilang tututukan ang mga high value drug target.