P100-K pabuya, inilaan ng MTPB para sa ikadarakip ng suspek sa pagpatay sa isa nilang team leader

P100,000 pabuya mula sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang nag-aantay para sa sinumang makapagtuturo at makapagbibigay-daan sa pagkakadakip sa suspek sa pagbaril at pagpatay sa isa nilang team leader kahapon.

Ayon kay MTPB Head Dennis Alcoreza, hindi malayong may kinalaman sa trabaho ang pagkakapatay kay Ruben Pangindian, team leader ng towing operations ng MTPB, habang nasa kalagitnaan ng kanilang operasyon sa paghahatak ng truck sa bahagi ng Parola compound.

Hawak na rin aniya ng Manila Police District (MPD) Homicide Section ang kopya ng CCTV sa isa pang kaso ng pagpatay sa kanilang tauhan. Ipinapalagay na iisang tao lamang ang may kagagawan ng krimen ayon na rin sa ilang nakasaksi ng pagbaril kay Pangindian.

Dati umanong operatiba ng Manila Tricycle Regulatory Office ang suspek na may standing warrant of arrest dahil sa kasong pagpatay sa isa ring operatiba ng MTPB.

Nagmula ang P100,000 pabuya sa mga ambag ng kanyang mga kasamahan at mga opisyal ng MTPB.

Isinugod pa sa ospital ang sugatang si Pangindian matapos itong barilin subalit idineklarang ‘dead on arrival’. | ulat ni Lorenz Francis Tanjoco