P1.4-M worth na dried marijuana, nakumpiska ng QCPD sa isang drug buy-bust operation sa QC

Naaresto sa ikinasang drug buy-bust operation ng Quezon City Police District (QCPD) ang tatlong drug pusher na pinaniniwalaang kabilang sa mga nagpapakalat ng marijuana sa mga eskwelahan sa Quezon City at iba pang lugar sa kalakhang Maynila.

Sakay ng pulang Honda CRV nang maaresto ang mga suspek na kinilalang sina Mark Philip Juazan, 27 anyos, Jordan Bringas Bente, 24, at Juan Soriano, 27 anyos.

Ayon kay NCRPO Director Guillermo Eleazar, 10 bundle ng marijuana na may timbang na 12 kilos at nagkakahalaga ng 1.4 milyong piso ang nasamsam sa tatlo.

Nakumpiska lamang ito ng pulisya sa follow-up operation base sa mga nauna na nilang serye ng anti-illegal drugs operations.

Unang nakipagkasundo ang mga suspek na sa bahagi ng Fairview makikipagkita sa mga operatiba na nagpanggap na bibili ng marijuana pero nagbago ang kanilang isip at sa Congressional Avenue na lamang ginawa ang transaksyon.

Kasama din sa mga naaresto ay ang dalawa pang kalalakihan na bibili sana ng ibibenta ring marijuana.

Kahapon ay una na ring naaresto ng QCPD Station 7 ang dalawang katao na source ng marijuana na ibinibenta sa mga eskwelahan. | ulat ni Rey Ferrer