P1.1-M halaga ng Marijuana, nasabat sa buy-bust sa Caloocan

Aabot sa mahigit P1.1 milyong halaga ng hinihinalang marijuana, ang nasabat sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Caloocan City Police sa Ligaya Street, Brgy. 122, Caloocan City ngayong araw.

Nakilala ang tulak umano ng ilegal na droga na si Michael Garcia, 24 taong gulang, na residente ng nasabing barangay at nagtatrabaho bilang isang online seller.

Ayon sa mga pulis, ang ugat ng operasyon laban sa suspek ay mula sa isang tip na natanggap nila ukol sa ilegal na operasyon ng suspek.

Agad na nagkasa ng validation operation ang kapulisan at nagsagawa ng buy-bust operation, matapos makumpirmang nagbebenta nga ang suspek ng ilegal na droga.

Agad na inaresto si Garcia, matapos magpositibo ang palitan ng pera at ilegal na droga sa pulis na nagpanggap na buyer.

Na-recover mula sa suspek ang ginamit na buy-bust money at sampung bloke ng hinihinalang marijuana, na may timbang na 9.25 kilo.

Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.