OWWA, kinilala si dating Senate Pres. Edgardo Angara sa mga isinulong niyang batas para sa mga OFW

Nagbigay ng natatanging pagkilala ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa yumaong dating Senate President Edgardo Angara bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa pagpapaangat sa buhay ng Overseas Filipino Workers (OFWs) at ng kanilang mga pamilya.

Ang OWWA Board, sa pangunguna ng kanilang chairman na si Labor Secretary Silvestre Bello III ang nag-abot ng award sa kanyang anak na si Senador Sonny Angara.

Kinikilala ng OWWA Board ang yumaong Angara para sa kanyang pag-akda sa maraming mahahalagang batas na nagpaangat sa buhay at nagbigay dagdag-proteksyon at promosyon sa mga OFW.

Ang ilan sa mga naturang batas ay ang Migrant Workers and Overseas Filipino Act of 1995, ang batas na lumikha sa Commission on Higher Education (CHED) at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), ang Free High School Act, ang Senior Citizens Act at ang National Health Insurance Act.

Para sa nakababatang Angara, ang lahat ng mga batas na ito ay para suklian ang mga sakripisyo ng ating mga kababayang nagtatrabaho abroad hindi lang para sa kanilang mga pamilya kundi para na rin sa bansa. | ulat ni Jojo Ismael