Orihinal na reklamo ng Pilipinas laban sa China, dapat buhaying muli – Esperon

Naniniwala si National Security Adviser Hermogenes Esperon na panahon na para buhaying muli ang naunang protesta ng Pilipinas laban sa China, ukol sa pagtatayo ng mga artificial island sa West Philippine Sea.

Ayon kay Esperon, chairman ng Task Force on West Philippine Sea, kaysa magprotesta ang Pilipinas sa kada pagtatayo ng China ng pasilidad sa iba’t ibang isla, mas makabubuti kung babalikan na lamang ang orihinal na reklamo ng bansa.

Sa ganitong paraan, mas simple aniya ang magiging protesta ng Pilipinas.

Sa ngayon sinabi ni Esperon, na maraming pasilidad na ang naitayo sa Kagitingan Reef, na tinatawag naman ng China bilang Yongshu reef.

Halimbawa na lamang aniya ang dalawang harbor sa Kagitingan, isang airstrip at maraming gusali na maaaring ideklara ng China na headquarters para sa rescue operations, observatory, maricultured coral farm site o di kaya ay drug rehabiliation center o flying school.

Matatandaang nanalo ang Pilipinas noong July 2016 nang maghain ang bansa ng arbitration case laban sa China. | ulat ni Racquel Bayan