Oplan Tokhang laban sa loose firearms, inilunsad ng PRO6

Inilunsad kahapon ng Police Regional Office 6 (PRO6) ang kanilang sariling Oplan Tokhang laban sa loose firearms sa rehiyon.

Ayon kay PRO6 Regional Director Chief Supt. John Bulalacao, ang “Tokhang Kontra Ginadumili-an nga Pusil” ang nakikita niyang solusyon para mas lalong mapababa ang krimen kung saan involved ang loose o unlicensed firearms.

Bagama’t bumaba aniya ang total number of crime incidents sa Western Visayas, ang paggamit ng baril ay nai-report sa 418 insidente ng murder, homicide, physical injuries at threats sa rehiyon, sa unang semester ng taong 2018.

Dagdag pa ni Bulalacao, karamihan sa mga hindi lisensyadong baril sa rehiyon ay mga “paltik” o “pugakhang” na locally manufactured pati na rin ang mga patented firearms na iniulat na nawala o ninakaw.

Paliwanag ni Bulalacao, sa 
“Tokhang Kontra Ginadumili-an nga Pusil”, ipatutupad ng PRO-6 ang “soft hand” at “iron-hand” approach na katulad sa Oplan Tokhang kontra droga.

Aniya, magsasagawa ng mga house visitation ang mga pulis para kausapin ang gun-owners at maglulunsad din ng targeted operations laban sa mga identified na may hawak ng mga hindi lisensyadong armas.

Panawagan ni Bulalacao sa mga taga-Western Visayas, i-report sa pinakamalapit na himpilan ng pulis ang mga taong nagtatago ng armas para maberipika kung ito ay lisensyado o hindi. | ulat ni Leo Sarne