Oplan Balik Eskwela, muling binuhay ng DepEd!

Muling binuhay ng Department of Education (DepEd) ngayong araw ang Oplan Balik Eskwela o OBE para sa school year 2018-2019 bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan sa Hunyo 4.
 
Ang pagsasagawa ng OBE ay upang masiguro na lahat ng mga mag-aaral ay maayos na makapag-enroll at makapasok sa eskwelahan sa unang araw ng klase sa pamamagitan ng pagtugon sa mga problema, katanungan at iba pang concern na kasabay ng pasukan.
 
Sa ilalim ng OBE, may itinayong Information & Action Center sa Bulwagang Karunungan sa DepEd Central Office na siyang magpu-proseso ng mga impormasyon at reklamo at magsisilbing routing zone simula ngayong araw hanggang Hunyo 8.
 
Mayroon ding sariling command center ang regional at division offices upang tumanggap at tumugon sa mga concern sa kanilang lugar.
 
Sumailalim naman sa orientation ang mga Regional Information Officer at iba pang OBE personnel upang palakasin ang kanilang kasanayan na humawak at sumagot ng tanong mula sa publiko.
 
Samantala, binuo ng DepEd ang OBE Inter-Agency Task Force na binubuo ng iba’t ibang kagawaran at ahensya ng gobyerno upang mas madaling maaksyunan ang mga problema gaya ng kawalan ng kuryente o sirang tulay papunta sa eskwelahan. | via Ched Oliva