Opisyal ng PNP, arestado sa pag-iingat ng nakaw na sasakyan  

Isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa Marawi ang inaresto dahil sa pag-iingat ng nakaw na sasakyan.

Sa report na nakarating sa Camp Crame, kinilala ni Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-BARMM) Regional Director Brigadier General Marni Marcos ang arestadong opisyal na si Captain Santos Libres Monares ng Marawi City Police Station.

Narekober sa kanyang posesyon ang isang Ford Everest na may Conduction Sticker #IK3400 na nakarehistro sa isang Dolores Gutierrez ng Sta. Cruz, Manila.

Walang lisensya at wala ring maipakitang rehistro ng sasakyan si Capt. Monares nang arestuhin siya ng mga tauhan ng Regional Intelligence at Anti-Carnapping unit ng PNP-BARMM.

Katuwiran ni Capt. Monares, binili niya ang saskyan mula kay Police Captain Ramces Cartajena na nakatalaga sa Police Regional Office 10 sa Camp Alagar Cagayan de Oro City.

Babala naman ni Brig. Gen. Marcos na hindi nila kukunsintihin ang sinumang tauhan nila na sangkot sa iligal na gawain.