Opisyal ng PH Army na pinaghinalaang namatay sa COVID-19, negatibo sa COVID test 

Nagnegatibo sa coronavirus disease o COVID-19 test ang Dabawenyong opisyal ng Philippine Army na una nang pinaghinalaang namatay dahil sa COVID-19 matapos nahirapan itong huminga at dead on arrival nang dinala sa Norzagaray Municipal Hospital sa Bulacan.

Maaalalang bitbit ng kambal ni late 2nd Lt. Vince Magbanua na si 2nd Lt. Vico Magbanua ng Philippine Army ang kanyang abo noong nakaraang linggo pauwi sa Davao City mula Metro Manila para iabot sa kanilang mga magulang.

Kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Marine Brigadier General Edgard Arevalo na negatibo ang resulta ng test ni Magbanua matapos ipinalabas ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Si Magbanua ay dating nakatalaga bilang Platoon Leader at Executive Officer ng Weapons Company sa ilalim ng Headquarters Service Battalion ng 48th Infantry Battalion na naka-base sa Bulacan.