Operational guidelines ng PNP para sa Oplan Balik Eskwela, inilabas na ni PNP Chief Albayalde

Inilabas na ni Philippine National Police Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde ang operational guidelines para sa Oplan Balik Eskwela ng PNP.

Ito ang inihayag ng PNP chief sa kanyang regular Monday press conference isang linggo bago magbukas ang klase sa susunod na Lunes, Hunyo 4.

Ayon sa PNP chief, dalawa o tatlong araw pa lang bago magbukas ang mga paaralan ay naka-deploy na ang minimum na dalawang pulis sa bawat police assistance desk sa mga paaralan.

Hinimok ni Albayalde ang mga mamamayan na lapitan lang ang mga police assistance desk para sa anumang problema at kahit pambu-bully ng mga estudyante ay maaring isumbong.

Bilin ni Albayalde sa mga pulis, tiyaking hindi mamamayagpag ang mga kriminal na involved sa mga street level crime at drug trafficking na nambibiktima ng mga mag-aaral.

Bukod sa mga paaralan, may security plan din ang PNP na ipinapatupad sa lahat ng mga terminal ng bus, airport at seaport dahil inaasahan na naman ang bultu-bultong mga pasahero mula sa iba’t ibang probinsiya na nag-aaral dito sa Metro Manila. | via Leo Sarne