Operasyon ng STL, di pa tuluyang makakabalik – PCSO

Nilinaw ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma, na hindi pa rin makakabalik sa operasyon ang mga Small Town Lottery (STL) sa kabila ng pag-alis ni Pangulong Rodrigo Duterte sa suspensyon ng mga ito.

Paliwanag ni Garma, kailangan pang malagdaan at mai-publish ang bagong Implementing Rules and Regulation (IRR) na kanilang binuo para sa STL operation.

Isa sa mga kondisyon, ay ang pagbibigay ng mandatory cash bond ng mga STL authorized agents, na katumbas ng tatlong buwan na share ng PCSO.

Sa ngayon aniya, inaprubahan na ng board ng PCSO ang naturang IRR at isusumite pa lamang sa Office of the President.