Operasyon ng PNP kontra droga, nananatiling normal sa kabila ng isyu sa ‘ninja  cops’ 

Nananatiling normal ang operasyon kontra droga ng Philippine National Police (PNP) sa kabila ng isyu sa ‘ninja cops’ sa Senado.

Ito ang tiniyak ni PNP Spokesperson Brig. Gen.  Bernard Banac, kasabay ng pagsabi na tuloy-tuloy pa rin ang kampanya kontra droga at kampanya kontra sa mga tiwaling pulis at nananatiling matatag ang PNP sa pagganap ng kanilang tungkulin.

Ayon kay Banac, wala rin siyang nakikitang problema sa relasyon ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kabila ng pagtestigo sa Senado ni PDEA Director General Aaron Aquino sa isyu ng mga ‘ninja cops’.

Maari lang aniyang nagkaroon ng konting hindi pagkakaunawaan pero hindi naman ito nakaapekto sa relasyon ng PNP at PDEA.

Magugunitang binawi ng PNP ang 15 security escorts ni PDEA Director General Aquino kamakailan, pero ipinaliwanag ng PRO 3 na ito ay dahil sa kailangan nila ang mga pulis sa SEA Games at walang kinalaman sa isyu ng ‘ninja cops’.

Una na ring tiniyak ni PNP Chief General Oscar Albayalde na ikokonsidera nila ang request ni Aquino na ibalik ang kanyang orihinal na security detail, at pansamantalang pagkalooban siya ng apat na security habang prinoproseso ang kanyang request.