Operasyon ng PNP-Counter Intelligence Task Force magiging nationwide na – Albayalde

Magiging nationwide na ang operasyon ng PNP-Counter Intelligence Task Force (CITF). Ito ang inihayag ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde kasabay ng pag-anunsyo sa pag-upo ni dating Bulacan Provincial Director Senior Superintendent Romeo Caramat bilang bagong hepe ng CITF.

Paliwanag ni Albayalde, dahil sa uupo din si Caramat bilang Chief of Staff ng Intelligence Group ng PNP, ay epektibong mas mapalalawak ang saklaw ng CITF sa kanilang paghahabol sa mga tiwaling pulis.

Dati aniya ay kalimitang sa National Capital Region lang nakasentro ang mga operasyon ng CITF, dahil sa maliit na grupo lang ito at kulang sa resources.

Pero ngayon aniya ay ang buong pwersa na ang intelligence group ay magiging available na sa CITF para maging mas epektibo ang pagpapatupad ng internal cleansing program ng PNP sa buong bansa.

Kasabay nito, sinabi ni Albayalde na wala silang nakikitang problema kung mag-ooperate ang CITF ng walang koordinasyon sa mga rehiyon at lokal na opisina ng PNP, dahil sadyang dapat maging discreet ang CITF sa paghuli sa mga tiwaling pulis na nasa iba’t ibang PNP offices. | via Leo Sarne