Operasyon ng Philippine Red Cross sa Marawi City, nakatuon na sa pagbibigay ng livelihood assistance

Isang taon makalipas ang Marawi siege, nagpalit na sa recovery mula sa relief operation ang nagpapatuloy na aid efforts ng Philippine Red Cross (PRC) para sa mga biktima ng bakbakan.

Sa pamamagitan nito, magiging pokus na ng organisasyon ang pagbibigay ng livelihood o kabuhayan sa pakikipagtulungan ng International Committee of Red Cross (ICRC).

Ayon sa PRC, pupondohan ng labinlimang milyon (P15 million) ang household livelihood assistance na pakikinabangan ng isanlibo’t limang daang (1,500) apektadong pamilya.

Target na simulan ang naturang programa sa buwan ng Hulyo matapos na maisapinal ang listahan ng beneficiaries na dumaan sa selection, assessment at validation process ng PRC.

Ilan sa mga naibigay na tulong ng Philippine Red Cross sa Marawi City ang mga ipinatayong disaster-resilient na temporary shelters, mga ipinamahaging toolkit, probisyon ng tubig at medical at psychosocial support sa mga bakwit.

Kasabay nito, iniimbitahan ng pamunuan ng PRC ang publiko na makiisa sa kanilang misyon na tumulong sa mga tinatawag na ‘most vulnerable’ ng lipunan sa tulong ng donasyon o maging isang ganap nilang volunteer. | ulat ni Shane Juan