Operasyon ng LRT Line-2, sisikaping maibalik agad sa normal ngayong dumadagsa na ang mga pauwing pasahero

Sisikapin ng pamunuan ng Light Rail Transit Line-2 (LRT-2) na maibalik na sa normal ang kanilang operasyon ngayong inaabot na ng mahigit sa limang oras ang repair works sa nasirang catenary system ng train line.

Sa panayam ng Radyo Pilipinas, sinabi ni Light Rail Transit Authority (LRTA) Spokesman Atty. Hernando Cabrera na puspusan ang pagkukumpuni ng kanilang engineering and maintenance team sa nasirang kable ng kuryente sa pagitan ng J. Ruiz at V. Mapa stations.

Ayon pa kay Atty. Cabrera, inaasahang alas 7:00 ngayong gabi maibabalik ang normal na operasyon upang hindi na maabala ang mga mananakay lalo na kapag peak hours o kung kailan dumadagsa na ang maraming pasahero.

Sa mga oras na ito, nagpapatupad pa rin ng ‘provisional service’ ang LRT-2 sa pagitan ng Santolan papuntang Cubao station at pabalik kung saan may apat na tren ang bumibiyahe.

Bago mag-alas 12:00 kaninang tanghali, naglabas ng abiso ang LRT-2 management hinggil sa aberya sa kanilang operasyon.

Hindi pa batid ang dahilan ng pagkasira ng catenary system, pero sinabi  ng tagapagsalita ng LRTA na ‘lightning prone’ o madalas na kidlatin ang naturang lugar.

 Batay sa datos ng LRTA, halos 70,000 pasahero na ang apektado sa ipinatutupad na limitadong biyahe sa LRT Line-2. | ulat ni Shane Juan