OPAPP, suportado ang panukalang palawigin ang transition period ng BARMM hanggang 2025

Suportado ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) ang panukalang extension ng transition period ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) hanggang taong 2025.  

Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Local Government, sinabi ni OPAPP Secretary Carlito Galvez Jr. na maging ang iba pang miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte ay buo rin ang suporta sa naturang panukala. 

Matatandaang sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law, itinatakda ang unang BARMM Parliamentary Elections sa 2022, pero layon ng mga panukalang batas na tinatalakay sa Senado na iurong ang kanilang eleksyon sa 2025. 

Paliwanag ni Galvez, bagamat malaki na ang napagtatagumpayan ng BARMM interim government, naniniwala silang hindi pa sapat ang tatlong taong naging transition period. 

Malaki rin aniya ang naging epekto ng COVID-19 pandemic sa timetable ng BARMM interim government para sa normalization program. 

Giit ng kalihim, kailangan pa ng dagdag na panahon ng interim government para makapaglagay ng pundasyon sa pagkakaroon ng isang inclusive, people-centered, at accountable bureaucracy gayundin ang matupad ang pangako nito sa tao sa Bangsamoro.