Online registration para sa COVID vaccination ng private sector, sinimulan na sa Makati

Pormal ng binuksan ng Lokal na Pamahalaan ng Makati, ang online registration para sa COVID-19 vaccination ng mga empleyadong nagtatrabaho sa private sector.

Kailangang magpre-register ang mga kumpanya sa makatibusiness.safemakati.com, at i-upload ang business ID, notarized certificate at kumpletong listahan ng mga kawani na babakunahan.

Makakatanggap ng confirmation e-mail ang private firm na naglalaman ng individual IDs, na siya namang gagamitin ng mga empleyado para mag register sa covid19vaccine.safemakati.com.

Ayon kay Makati City Mayor Abby Binay, nais nilang gawing madali at ligtas ang proseso para mabakunahan ang lahat ng empleyado, kahit na hindi residente ng lungsod.

Ipinaliwanag ni Binay, na mas malaki ang tinatawag na “daytime population” sa Makati, kung bibilangin ang mga manggagawa ng private companies na nakatayo sa lungsod.

Dagdag pa ng alkalde, kapag may proteksyon ang mga empleyado laban sa COVID-19, ay mas maliit ang tsansa na makahawa sila sa mga katrabaho o kasama sa bahay, at makatutulong ito sa pagpapatuloy ng operasyon ng kumpanya.