One-strike policy sa tiwaling kawani ng BI, dapat ipagpatuloy — Sen. Villanueva

Hinikayat ni Senator Joel Villanueva ang Bureau of Immigration (BI), na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng kanilang “one-strike” policy laban sa mga tiwaling tauhan nito, na sangkot sa human trafficking ng mga kababayan natin sa ibang bansa.

Sa naging pagdinig ng Senado tungkol sa human trafficking ng mga Pilipina sa bansang Syria, sinabi ni Villanueva, na mahalagang malaman ng mga tiwaling tauhan ng BI na mapapanagot sila sa batas. 

Sinabi naman ni Immigration Commissioner Jaime Morente, na patuloy ang kanilang pagpaparusa sa mga tiwaling kawani ng immigration sa first offense pa lamang.

Idinudulog rin aniya nila sa Department of Justice (DOJ), ang mga kaso na may parusang suspension o pagtanggal sa serbisyo ng mga tauhan nito na sangkot sa iregularidad, tulad ng human trafficking.

Hiniling rin ng senator sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), na ipagpatuloy nito ang regular na pag-update ng kanilang anti-trafficking in persons database, dahil makakatulong ito sa mga otoridad na habulin ang mga illegal recruiter.