One strike policy, ipatutupad sa mga police commanders na hindi masawata ang mga pasaway na tauhan — PNP Chief

Ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang “one strike policy” sa mga police commanders na hindi masawata ang mga pasaway nilang tauhan.

Ito ang inihayag ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde, matapos na ipatawag sa Camp Crame ang lahat ng mga regional, provincial at city directors, kasama na rin ang mga Regional Mobile Force commanders, para sa isang pagpupulong kahapon.

Ayon sa PNP Chief, kasama sa tinalakay sa pagpupulong ang sunod-sunod na kontrobersya na kinasangkutan ng mga nakababatang pulis na “cause for concern”.

Magugunitang pumutok kamakailan lang ang balita tungkol sa palit-puri modus na kinasasangkutan ng isang PO1 at ang panggagahasa umano ng isang PO3 sa kanyang kapwa pulis.

Ayon sa PNP Chief, kung hindi kayang kontrolin ng mga commanders ang kanilang mga tauhan, sila ang agarang sisibakin sa pwesto.

Kasama pa sa kakasuhan ang mga hepe kung makikitaan ng “command responsibility” sa kabulastugan ng kanilang mga tauhan.

Dagdag ng PNP Chief, isang-katutak na memorandum at paalala ang binigay ng liderato ng Pambansang Pulisya sa mga commanders na rendahan ang kanilang mga tauhan, kaya ngayon ay wala nang “second chance” na ibibigay sa kanila.  | ulat ni Leo Sarne