“One Commendable Act” social media project, inilunsad ng PNP-PRO3

Sa layong maipaalam sa taumbayan ang mga mabubuting gawain ng mga matitinong pulis, inilunsad ngayong umaga ng PNP-PRO3 ang kanilang “One Commendable Act” social media project.
 
Ang paglulunsad ng proyekto ay pinangunahan ni PNP Chief Police Dir. Gen. Oscar Albayalde at PNP-PRO3 Regional Director CSupt. Amador Corpuz, sa Camp Olivas sa Pampanga ngayong umaga.
 
Ayon kay Corpuz, sisimulan ang proyekto sa pamamagitan ng pag-post sa social media ng bawat isa sa 140 na tanggapan ng pulis sa Region 3 ng isang magandang gawain ng kanilang mga pulis bawat araw.
 
Itinanggi naman ni Corpuz na ito ay pangontra sa Facebook page na “Buhay Lespu” kung saan na-bash ng mga pasaway na pulis ang PNP chief dahil sa kanyang mga surprise inspection noong NCRPO director pa siya.
 
Paliwanag ni Corpuz, kung may mga negatibong report tungkol sa ginagawa ng ilang mga tiwaling pulis, mas marami naman aniya ang kabutihang nagagawa ng matitinong pulis na dapat malaman ng taumbayan.
 
Sa kanyang panig, sinabi naman ng PNP chief na magkakaroon ng commendation at awards ang mga pulis na may katangi-tanging nagawang kabutihan. | via Leo Sarne