Vaccination On the Go sa Makati, naging matagumpay

Ikinalugod ni Makati City Mayor Abby Binay ang matagumpay na paglulunsad sa Vaccination On the Go program, sa Circuit Makati Estate Grounds, nitong Biyernes.

Ayon kay Binay, halos 100 indibidwal na kinabibilangan ng persons with disability at bedridden patients ang nabakunahan kontra COVID-19.

Hindi aniya naging madali ang preparasyon sa OTG vaccination site, lalo na sa planning at logistics.

Ipinaliwanag ni Binay, na pinili nila ang drive-thru vaccination kaysa house-to-house, upang mas marami ang mabakunahan kada araw.

Bukod sa matuturukan ang mga residente sa loob ng sasakyan, maaari pa silang samahan ng kanilang pamilya.

Dagdag pa ng alkalde, simula nang ilunsad ang registration para sa pagpapabakuna, ay marami na silang natanggap na request para i-accommodate ang PWDs at bedridden patients.