Ombudsman, iimbestigahan ang umano’y anomalya sa P60-M ad ng DOT na kinasasangkutan ng mga Tulfo

Iimbestigahan na ng Office of the Ombudsman ang kontrobersyal na P60-M ad placement na kinasasangkutan ng nagbitiw na si Secretary Wanda Tulfo-Teo ng Department of Tourism (DOT).

Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio Morales, magsasagawa ang kanyang tanggapan ng ‘motu proprio investigation’ sa umano’y anomalya sa milyun-milyong pisong kabayaran sa advertisement ng DOT sa programa ng kapatid ni Teo na si Ben Tulfo sa state-run television station na PTV-4.

Kaugnay nito, naging matipid naman si Morales sa pagbibigay ng detalye ukol sa gagawing pagsisiyasat ng Ombudsman.

Si Ben Tulfo na isa sa mga kapatid ng dating kalihim ang producer ng Bitag Media Unlimited Inc. (BMUI) at host ng Kilos Pronto na pinalalabas sa PTV-4, kung saan umere ang kinukwestiyong tourism advertisement.

Matatandaang una nang kinuwestiyon ng Commission on Audit (COA) ang naturang ad placement ng ahensya kaya naman naging kabi-kabila ang panawagang magbitiw sa pwesto si Teo. | via Shane Juan