OFWs sa Myanmar, di pa kabilang sa vaccination program doon

Wala pang Filipino worker sa Myanmar ang nabakunahan na laban sa COVID-19.

Ayon kay Philippine Ambassador to Myanmar Eduardo Kapunan Jr., tanging ang mga nasa diplomatic community pa lamang ang kasali sa vaccination program ng Myanmar.

Dahil dito, payo ng opisyal sa mga Pinoy na napauwi na sa bansa galing Myanmar, na dito na magpabakuna laban sa COVID-19.

Nasa dalawang Pinoy lang aniya ang naitalang nagka-COVID sa Myanmar, at kapwa naka-recover na.

Wala rin aniya konkretong record kung ilan na sa kabuuan ang mga mamamayan sa Myanmar na tinamaan na ng COVID-19, dahil karamihan sa mga sumasali sa protesta doon ay mga doktor, at iba pang nasa healthcare sector, kung saan hindi na aniya naoobserbahan pa ang physical distancing.

Ayon kay Ambassador Kapunan, hindi nila inaasahan sa ngayon na agad makababalik sa Myanmar ang overseas Filipino workers (OFWs) na una nang na-repatriate, lalo at itinaas ng Department of Foreign Affairs sa Alert Level 4 ang Myanmar, dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 doon.