OFWs mula Davao Region na napauwi dahil sa pandemya, umabot sa higit 36,000

Umabot na sa mahigit 36,000 overseas Filipino workers (OFWs) na mula sa Davao Region ang umuwi ng Pilipinas, na natulungan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Inilahad ni OWWA XI Regional Director Carmelo Elaya, na simula May 5 noong nakaraang taon hanggang April 28 nitong taon, nakapagtala na ang ahensya ng 36,180 repatriated OFWs na taga Region XI.

Sinabi ni Elaya, na hindi lahat ng mga OFW na ito ay nakapag-avail at nag-qualify na makatanggap ng financial assistance, sa pamamagitan ng OWWA-DOLE “Abot Kamay Ang Pagtulong” (AKAP).

Base sa datos ng OWWA XI, mayroon nang 10,662 ang nagbenipisyo ng nasabing tulong mula sa pamahalaan, na kung saan umabot na sa P106 million ang overall total amount na naipamahagi sa mga benipisyaryo, mula April 2020 hanggang April 2021.

Ayon kay Elaya, ang bawat kwalipikadong OFW ay nakatanggap ng tig P10,000.