OCTA Research Team, pabor na palawigin pa ang MECQ sa NCR+ bubble

Pabor ang OCTA Research Team na palawigin ang umiiral na modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR Plus bubble.

Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Prof. Ranjit Rye, na naging malaking tulong ang pagsasailalim sa ECQ at MECQ ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.

Nakakita aniya ng unti-unting pagbaba sa mga naitatalang bagong COVID-19 cases.

Gayunpaman, nananatili pa rin aniyang mataas ang occupancy rate ng ICU beds.

Ayon kay Prof. Rye, nangangailangan pa ang NCR Plus bubble ng oras upang mapalakas ang health system, at ma-sustain ang downward trend na nakikita na sa kasalukuyan.

Kailangan aniyang magkaroon ng calibrated slow exit strategy ang pamahalaan, upang mapanatili ang mga gain na nakampatan ng bansa nitong mga nakalipas na linggo.