OCD 11, nag-atas na ihanda ang lahat ng tulong kasunod ng magnitude 6.3 na lindol

Nag-atas si Office of Civil Defense Davao (OCD) Regional Director Manuel Luis Ochotorena na siya ring Chairperson ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) 11 sa DILG, DSWD, DOH, DPWH, BFP, PCG at ibang mga ahensyang kinauukulan na ihanda ang lahat ng pwedeng itulong, kasunod ng magnitude 6.3 na lindol, Miyerkules ng gabi.

Nakatanggap daw kasi ang OCD-RDRRMC 11 ng reports na may mga pinsalang iniwan ang lindol sa Digos City, Davao del Sur, partikular sa Munisipalidad ng Magsaysay.

Patuloy ngayon na mino-monitor ng OCD- RDRRMC 11 ang mga sitwayon matapos ang malakas na lindol na yumanig alas-7:37 kagabi October 16, 2019.

Samantala, ilang minuto matapos ang pagyanig kagabi, puro recorded na boses ng telephone operator ang sumagot ng “All circuits are busy” noong tumawag kami sa mga importanteng ahensyang makapagbibigay sana ng impormasyon tungkol sa lindol.

Habang yumanig, malakas ang pag-uga ng mga kable sa itaas na parang may nagduyan dahil sa lakas ng pagyanig. Mga 20 to 25 minutes pagkatapos ng lindol, sumikip ng grabe ang kalsada sa may Matina Street portion ng MacArthur Highway, Davao City dahil sa maraming trycyles na nagkarga ng mga pasahero galing sa coastal areas ng Dumalag, Matina Aplaya na tumawid patungong GSIS Heights at Shrine Hills para doon mag-evacuate .

Dumagsa rin ang mga tao sa labas at nagmamasid sa  napakaraming taong mabilis na naglalakad para makauwi ng bahay. Nagpatrolya naman sa highway ang sasakyan ng Urban Search ang Rescue ng Central 991 at inanunsyo na walang tsunami alert pero ang mga nagpa-panic na tao ay tila walang narinig.