OCD 11, nag-abiso sa posibleng pagbaha dahil sa LPA sa Mindanao

Maagang naglabas ng General Flood Advisory ang Office of the Civil Defense (OCD) Davao Region dahil sa minomonitor na low pressure area (LPA) sa Mindanao.

Ayon kay Franz Irag, public relations officer ng OCD 11, kabilang sa minomonitor nila ay ang Talomo, Lipadas, Lasang at Davao River.

Pinaalalahanan naman nito ang mga residente malapit sa paanan ng bundok at sa low lying areas na mag-ingat sa posibleng pagbaha at landslide.

Ayon sa Pagasa, huling namataan ang namumuong sama ng panahon sa layong 290 kilometro sa silangan ng General Santos City.

Ang nasabing LPA ay maaaring magdala ng katamtaman hanggang sa malakas na ulan sa CARAGA, Davao, Northern Mindanao at Zamboanga Peninsula. | ulat ni Sheila Lisondra  – Radyo Pilipinas Davao