Occupancy rate sa Pasay City General Hospital, bumaba na sa normal risk

Patuloy na bumababa ang naitatalang kaso ng COVID-19 sa Pasay City General Hospital (PCGH).

Ayon kay PCGH Officer-in-Charge Dr. John Victor De Gracia, nasa normal or safe risk rating na ang pagamutan, na katumbas ng 40 percent occupancy rate para sa COVID-confirmed wards.

Nangangahulugan aniya ito, na makakapagpahinga na ang mga doktor at nurse, dahil mababa ang bilang ng mga pasyente na naka-admit sa PCGH.

Sa kasalukuyan, anim na COVID ICU beds at 13 regular COVID beds ang handang ipagamit ng ospital.

Nasa 30 porsiyento naman ang occupancy rate para sa COVID transition wards, na may 14 na available beds, habang bukas na rin ang emergency room para sa COVID at non-COVID cases.

Isa lamang ang active case sa mga empleyado, ngunit naka-home quarantine ito matapos magtamo ng mild symptoms.

Sinabi ni De Gracia, na may apat na classifications ang pagtukoy sa percentage ng COVID-19 patients, at ito ay ang critical, high, moderate at safe risk.