NTF-COVID-19, nakiusap sa LGUs na buhayin ang pagtutulungan sa pagbabakuna

Nanawagan ang National Task Force against COVID-19 sa mga LGU na pairalin ang tulungan sa isa’t isa sa gitna ng tinatarget na herd immunity.

Ang apela ay ginawa ni Deputy Chief Implementer at testing czar Vince Dizon kasunod ng 100 porsiyento ng nagawang pagbabakuna ng lunsod ng San Juan para sa 1st dose ng kanilang mga residente.

Sana lang ani Dizon ay tularan din ng iba pang LGU ang San Juan na nangakong itutuloy pa rin ang pagbabakuna kahit naabot na nila ang kanilang target.

Lumalabas kasi na kahit hindi residente ng San Juan ay binabakunahan duon partikular
ang mga nagtarabaho sa naturang lungsod.

Ganito rin sana ani Dizon ang maging inisyatibo ng ibang lokal na pamahalaan na sa sandaling maabot na ang numero ng kailangang mabakunahan sa kanilang area ay ituloy pa din ang vaccination para sa iba namang taga- siyudad.