NTF Against COVID-19, nagbigay ng rekomendasyon kung paano mapapababa ang COVID case sa Puerto Princesa at Lalawigan ng Palawan

Dumating ngayong araw sa Lungsod ng Puerto Princesa ang mga opisyal mula sa National Task Force Against Covid-19, para tingnan at magbigay ng mga suwestiyon kung paano mapapababa ang mataas na kaso ng COVID-19, sa Lungsod ng Puerto Princesa at Lalawigan ng Palawan.

Sa isinagawang virtual press briefing, sinagot ng mga kinauukulan ang mga tanong mula sa hanay ng mga mamamahayag partikular ang mataas na positivity rate sa lungsod sa kasalukuyan.

Kabilang sa mga rekomendasyon, ay ang pagpapabilis ng issuance ng lisensya para sa operasyon ng moleccular diagnostic laboratory sa Brgy. Irawan, karagdagang mga antigen kit, at karagdagang mga contact tracer at vaccinators.

Inirerekomenda din nila ang posibleng pag-upgrade ng quarantine classification ng lungsod at lalawigan.

Ayon kay Secretary Vince Hizon, dapat dagdagan ang isolation bed capabilities ng lungsod ng halos 2,000 hanggang 3,000 para ma-address ang surge, at tuwirang ma-isolate maging iyong mga mild at asymptomatic cases.

Tiniyak naman ng National Task Force Against Covid-19, ang buong suporta sa lunsod at lalawigan para matugunan ang kasalukuyang sitwasyon nito.