NPA, dapat managot sa pagkamatay ni FEU footballer Keith Absalon at pinsan nito

Kinondena ni Senador Richard Gordon ang pamamaslang kay Far Eastern University (FEU) Footballer Keith Absalon at kanyang pinsan sa Masbate City nitong June 6. 

Nasawi ang magpinsan nang sumabog ang isang improvised explosive device sa gilid ng kalsada sa Barangay Anas habang sila ay nagbibisikleta.

Inako naman ng New People’s Army (NPA) ang naturang pagsabog. 

Ayon kay Gordon ang pagpapasabog na ito ay katumbas na ng war crimes sa ilalim ng International Humanitarian Law, na pinagtibay ng Pilipinas sa pamamagitan ng Republic Act 9851. 

Kaya naman nanawagan ang senador sa mga awtoridad na ibigay ang nararapat na hustisya para sa mga biktima at panagutin sa batas ang mga nasa likod ng krimeng ito. 

Sinabi pa ng mambabatas na dapat ring igiit sa mga NPA ang pagrespeto sa mga sibilyan at sumunod sa International Humanitarian Law.

Sa hinaharap ay dapat na aniyang maresolba ang matagal nang problema sa insurgency at sikaping makamit ang pangmatagalang kapayaan upang ganap na umunlad ang Pilipinas.