Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Anti Cyber Crime Group na imbestigahan at i-track down ang mga nagbebenta at bumibili ng pekeng COVID-19 test result.
Partikular na tinukoy ng PNP chief ang modus ng non-appearance RT-PCR test kung saan magbabayad lang ng isang libo ang kliente, at iisyuhan na siya ng negatibong RT-PCR test result nang hindi magpapa-swab.
Kadalasan aniyang ginagamit ang ganitong swab test sa pag-biyahe.
Babala ng PNP chief, ang ganitong modus ay nagdudulot ng panganib sa public health sa posibleng pagkalat ng COVID-19.
Hinimok ni Eleazar ang mga nabiktima ng ganitong modus na mag-report sa mga awtoridad.
Habang yung mga kusang-loob na bumili ng pekeng COVID test, ay kasama aniya ng mga nagbebenta nito na makukulong kapag sila ay mahuli.