Nograles, nanawagan sa mga botante na mga kandidatong pabor lang sa Pederalismo ang iboto sa Mayo

Umapela na sa mga botante si Cabinet Secretary Karlo Alexie Nograles na tanging mga kandidato lang na pabor sa Pederalismo ang dapat iboto sa darating na midterm elections sa Mayo.

Sa kanyang pahayag sa ginanap na National Federalism Summit na inorganisa ng Department of the Interior and Local Government (DILG), sinabi ni Nograles na ang paparating na eleksyon ay mahalaga para sa isinusulong na Pederalismo.

Nananawagan din siya sa Inter-Agency Task Force on Federalism and Constitutional Reform na ipagpatuloy ang advocacy campaign nito para sa Pederalismo at tapusin ang Bayanihan Federalism Charter na ginawa ng Committee Consultative na pinamumunuan ni Chief Justice Reynato Puno.

Aniya, nais ng Palasyo na ang harmonized draft charter ay isusumite sa susunod na Kongreso pagkatapos ng midterm elections sa Mayo.

Sinuportahan naman ni dating Supreme Court Justice Eduardo Nachura, at isa ding ConCom member, ang panawagan ni Nograles.

Kung siya ang tatanungin, may 23 miyembro ang ConCom na handang umakyat sa entablado at magdeklara na hindi nila iboboto ang sinumang kandidato na hindi susuporta sa Pederalismo gayundin ang panawagan sa publiko. | ulat ni Rey Ferrer