‘No Movement Sunday’, muling ipatutupad sa Davao Occidental

Muling ipatutupad sa Davao Occidental ang ‘No Movement Sunday’ matapos isailalim ang probinsya sa Alert Level 3 mula January 28 hanggang February 15, 2022.

Base sa Executive Order No. 003-2022 na nilagdaan ni Davao Occidental Governor Claude Bautista, lilimitahan ang galaw ng tao sa probinsiya para sa mga frontline healthcare workers, mga uniformed personnel at disaster risk reduction and management council personnel.

Pinayuhan naman ang mga residente na hindi kabilang sa mga frontline workers na may trabaho sa araw ng Linggo na manatili na lamang sa loob ng kanilang bahay.

Samantala, epektibo pa rin ang curfew mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.

Sa huling datos ng Department of Health Davao, umabot na sa 268 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Davao Occidental.

Una na ring kinumpirma ng DOH Davao ang dalawang kaso ng Omicron variant ng COVID-19 mula sa nasabing probinsiya kung saan ang mga pasyente ay wala umanong travel history sa labas ng bansa.