“No mercy” sa mga kadeteng pasimuno ng PNPA oral sex scandal – PNP Chief

“No mercy” ang dapat sa tatlong kadete na pasimuno sa tinaguriang oral sex scandal sa Philippine National Police Academy (PNPA).

Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde, matapos na mahatulang guilty ang tatlong kadete ng pamunuan ng PNPA sa kasong administratibo at inirekomendang masibak sa akademiya.

Bukod sa kasong administratibo, nahaharap din sa kasong kriminal ang tatlong upperclassmen na kadete na sinampa ng pamilya ng mga biktimang underclassmen.

Ito’y bunsod ng insidente noong October 6, kung saan isang second class cadet ang umano’y nag-utos sa dalawang fourth class cadet na mag-oral sex sa kanyang harapan, habang nanonood ang dalawa namang 3rd class cadets.

Ayon sa PNP Chief, talagang may problema sa sistema ng pamamalakad ng PNPA kung nangyayari ang mga ganitong klaseng insidente.

Mahirap aniya na makapagtapos ang ganitong klase ng mga kadete at maging opisyal pa ng PNP. | ulat ni Leo Sarne