“No mercy” para sa arestadong chief of police ng Bocaue, Bulacan – PNP Chief

“No mercy” ang ibibigay ng Philippine National Police (PNP) sa mga pulis na mahuhuling gumagawa ng iligal.

Ito ang tiniyak ni PNP Chief Police Dir. Gen. Oscar Albayalde kasabay ng paghahayag ng pagkadismaya sa pagkakaaresto kay PSupt. Jowen Dela Cruz, chief of police ng Bocaue, Bulacan na inaresto ng Counter Intelligence Task Force dahil umano sa pagnanakaw at pangingikil.

Inamin ni Gen. Albayalde na ang pagakakasangkot ng mga opisyal ng PNP sa katiwalian ay dahil sa kultura ng korapsyon na umiiral sa PNP.

Ang kultura ng korapsyon sa PNP ang sinisikap nilang baguhin sa pamamagitan ng puspusang pagpapatupad ng internal cleansing program sa pangunguna ng Counter Intelligence Task Force.

Si Dela Cruz, ay kinasuhan na ng carnapping, robbery extortion at paglabag sa RA 3019 o ang Anti Corrupt Practices Act for Government Employees, matapos itong tumanggap ng iPhone-X para umano ilabas ang Montero na iligal na kinuha ng opisyal sa isang arestadong suspek.

Sa tala ng CITF na pinamumunuan ni PSSupt. Romeo Caramat Jr., may 90 pulis na ang kanilang naaresto na kinabibilangan ng apat na opisyal at 86 na mga Police Non-Commissioned Officers o PNCO.

Habang pito naman na ang napapatay sa CITF operation na kinabibilangan ng isang opisyal at anim na PNCOs.  | ulat ni Leo Sarne